5.9 magnitude sa Sultan Kudarat
MANILA, Philippines – Niyanig ng 5.9 magnitude na lindol ang lalawigan ng Sultan Kudarat kahapon ng hapon. Ayon sa Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) , ang epicenter ng lindol ay natukoy sa may 67 kilometro kanluran ng Palimbang, Sultan Kudarat na may lalim na 36 kilometro. Bunga nito, naramdaman din ang lakas ng lindol sa intensity 4 sa Cotabato City, intensity 3 sa Datu Unsay at Datu Hoffer sa Maguindanao province. Samantala, intensity 2 naman sa Zamboanga City, Kidapawan City, Isulan, Sultan Kudarat at sa South Cotabato. Ayon sa Phivolcs, nagkikiskisang tectonic plates ang origin ng Cotabato trench. Wala namang naiulat na aftershocks ang naganap na lindol at wala ding naiulat na nasaktan sa naturang pagyanig.
- Latest
- Trending