KIDAPAWAN CITY, Philippines - Dalawang miyembro ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police ang iniulat napaslang habang tatlong iba pa ang nasugatan makaraang ratratin ng mga rebeldeng New Peoples’ Army ang inilatag na checkpoint sa Davao-Cotabato national highway sa Barangay Malasila sa bayan ng Makilala, North Cotabato kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Inspector Joyce Birrey, hepe ng Makilala PNP ang mga nasawi na sina P01 Raul Pablo at PO3 Rufino Sumugat habang sugatan naman sina SPO2 Ponciano Pakhiat, Jeremias Ranon, Jr. at si Policarpio Villarica na kapwa nakatira sa Cagayan de Oro City.
Base sa police report, nagsasagawa ng highway patrol operations ang HPG-Cotabato sa inilatag na checkpoint nang pagbabarilin ng mga rebelde na lulan KIA Bongo Frontier na may plakang JEJ 224.
Nabatid na dalawa sa 15 rebelde na umatake ay babae, ayon sa ilang mga nakasaksi kung saan nakaganti pa ng putok ang mga pulis subalit sa dami ng mga lumusob ay nasukol din sila.
Dinis-armahan ng mga rebelde ang mga pulis at tinangay ang dalawang Armalite Rifle at cal. 9mm pistol.
Ang dalawang sibilyan na sina Ranon at Villarica na sakay ng motorsiklo ay nadamay sa atake dahil sa kasalukuyang lumusob ang mga rebelde sa PNP checkpoint ay iniinspeksyon sila ng dalawang pulis, ayon kay Birrey.
Kaugnay nito, ikinalungkot naman ni Jessie Ined, executive assistant ni Cotabato Governor Lala Mendoza na ang pag-atake ng NPA ay itinaon sa pagdiriwang ng ika-98 foundation anniversary ng lalawigan (Kalivungan Fiesta). Malu Manar at Joy Cantos