LAGUNA, Philippines - Napaslang ang negosyanteng lalaki habang sugatan naman ang babaeng kasama nito na pinaniniwalaang karelasyon matapos ratratin ang sinasakyan nilang SUV sa labas ng motel sa bisinidad ng Brgy. Turbina, Calamba City, Laguna kahapon ng umaga.
Nakilala ang napaslang na si Arnel Elnar, may-asawa, may-ari ng Elnar Gold Processing Plant sa Barangay Sta. Rosa Norte sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte.
Sugatang naisugod sa Calamba Medical Center si Charmaine Faith Vigo, accounting clerk sa gasolinahan sa Barangay Real, Calamba City at nakatira sa bayan ng Cabuyao Laguna.
Sa ulat ni SPO1 Ernesto Reyes, lumilitaw na bandang alas-6:10 ng umaga nang tambangan ng mga di kilalang lalaki na lulan ng Toyota Corolla (TXH806) ang sinasakyan ng mga biktima na Toyota Fortuner.
Base sa police report, bago naganap ang pananambang ay kalalabas pa lamang sa Angels Nest Motel ng dalawa.
Samantala, sa salaysay sa pulisya ng kaibigan ni Elnar na si Micahel Dolera, dati na umanong may nakaalitan ang biktima kung saan pinasabugan pa ng granada at pinaputukan ang bahay ni Elnar ng isang nagngangalang Rony Habitan.