2-anyos inihambalos ng adik sa kalye

MANILA, Philippines - Mistulang manika na hinawakan sa dalawang paa, pinagsasampal  saka inihambalos ng makailang ulit sa sementadong kalye ang 2-anyos na totoy ng 35-anyos na sinasabing bangag sa illegal na droga sa Barangay Biasong, Talisay City, Cebu noong Martes ng hapon.

Naunang isinugod sa Talisay District Hospital bago inilipat sa Don Vicente Sotto Memorial Medical dahil sa maselang kalagayan ni Jeffrey Abusejo Jr., pero idineklara na itong patay dahil sa internal hemorrhage.

Samantala, nasakote naman ang suspek na si Kienner Baller na naglalaro sa dalampasigan ng dagat matapos isagawa ang brutal na krimen.

Nabatid na si Baller na dating seaman na hiniwalayan ng kanyang misis dahil sa pagiging adik ay sumailalaim na sa rehabilitation dahil sa bawal na droga.

Ayon sa imbestigasyon, nairita ang suspek matapos itong masagi ng biktimang tumatakbo kung saan agad nitong pinagsasampal at kinutusan.

Hindi pa nakuntento ay binitbit nito sa dalawang paa ang bata at inihambalos sa sementadong kalye may ilang ulit.

Sumaklolo naman ang ina ng bata pero isinalya rin ito ng suspek na naglakad na pauwi na animo’y walang nangyari.

Kasalukuyan naman abala sa paggawa ng tele­bisyon ang tatay ng bata na si Jeffrey Sr. nang marinig ang sigaw ng kanyang misis kaya nagmamadaling sumaklolo.

Base sa salaysay ng utol na si Christina Baller, nag-iisa sa bahay ang kanilang utol at nanonood lamang ng horror movies sa buong magdamag. Dagdag ulat ng Freeman News Service

Show comments