TUGUEGARAO CITY, Philippines – Dahil sa pagkalango sa alak ay maagang sinalubong ni kamatayan ang 52-anyos na traysikel driver matapos itong mahagip ng sasakyan habang natutulog sa gilid ng highway sa Barangay San Fabian sa bayan ng Echague, Isabela kamakalawa. Kinilala ni P/Supt. Vicente Valdez, hepe ng Provincial Police Community Relations Office, ang biktima ay si Ramon Gabaril. Nabatid na huling namataang buhay ang biktima na nakikipag-inuman sa ilang kabarong trike driver at umuwi matapos malasing. Pinaniniwalaang nakatulog sa kalsada ang biktima dahil sa pagkalango sa alak na inakalang nasa loob na siya ng kanilang bahay kaya hindi na nagising matapos mapisak ang ulo sa pagkasagasa.