MANILA, Philippines - Apat-katao ang iniulat na napaslang habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan makaraang magsagupang muli ang magkalabang angkan na nagkapikunan sa pustahan sa basketball sa bayan ng Alamada, North Cotabato kamakalawa.
Kabilang sa mga napatay ay sina Cafgu Celeste Sebidio Jr., Sangki Adiong, Zainudin Mamarinta,19, magsasaka; at si Bangsauna Salimbot Igal, 39.
Samantala, malubha naman sina Princess Makalalim, 16, estudyante, anak ng dating Barangay Chairman Manding; Andy Garcia at si Kahal Tabuacar.
Sa ulat ni Army’s 40th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Roy Galido, pasado alas-12 ng tanghali nang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng angkan ng pamilya Manangca at Celeste sa Barangay Guling.
Napatay si Cafgu Sebidio matapos rumesponde sa nagaganap na bakbakan bago pa man dumating ang kanilang tropa upang mapahupa ang tensyon.
Nabatid na matagal nang may alitan sa lupain ang magkalabang angkan kung saan sa tuwing magku-krus ang landas ay nagbabakbakan.
Base sa ulat na nakarating kay Army’s 6th Infantry Division Public Affairs Office Chief Col. Prudencio Asto, nag-ugat ang sagupaan matapos magkapikunan sa pustahan sa basketball ang magkabilang grupo sa nabanggit na barangay.
Samantala, nagsilikas naman ang 300 pamilya mula sa Banisilan proper at Barangay Center sa takot na maipit sa sagupaan kung saan humupa lamang ang tensyon matapos na rumesponde ang tropa ng militar.