2 sugatan sa buhawi

MANILA, Philippines -  Sugatan ang dalawang trabahador na naglilinis ng salamin ng mataas na gusali ng RCBC Plaza Building­ makaraang iwasiwas ng nabuong buhawi ang sina­sakyan nilang gondola habang nasa ika-42 palapag, kahapon ng umaga.

Naipit pa sa lubid at tumagal ng halos isang oras bago nailigtas ang mga biktimang inisyal na nakilalang sina Roberto Rendon at Victoriano Nietes.

Nabatid na naganap ang insidente dakong alas-10:15 ng umaga habang nililinis nina Rendon at Nietes ang mga bintana sa naturang gusali na may 46 na palapag sa may kanto ng Ayala Avenue at Gil Puyat Avenue.

 Dahil sa napakalakas na hangin, isang buhawi umano ang nabuo at sumalpok sa gondola na sinasakyan ng dalawa habang nasa ika-42 palapag sanhi upang muntikang mahulog ang mga ito.

Tumama ang katawan ng dalawang trabahador sa nilinis na bintana habang napulupot ang lubid nila sa kanilang katawan at kamay.

Rumesponde naman ang tauhan ng naturang gusali at nagsagawa ng rescue operation saka isinugod ang dalawang biktima sa Makati Medical Center.

Show comments