P2-M suhol sa pagpuga ni Go et al, iimbestigahan
MANILA, Philippines - Iimbestigahan ng pulisya sa pakikipagkoordinasyon sa Department of Justice (DOJ) ang isiningaw ng naarestong kasamahang preso ng high-profile inmate na si Rolito Go na nagbayad umano sila ng P 2 milyon kapalit ng kanilang zarzuelang pagtakas mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ayon kay PNP Spokesman P/Chief Supt. Generoso Cerbo Jr, aalamin ng mga imbestigador kung may katotohanan ang ibinulgar ng nasakoteng murder convict na si Rommel Laciste.
Si Laciste ay nadakma sa Barangay Surcoc sa bayan ng Naguilian, Isabela kamakalawa ng umaga.
Nabatid na si Go ay napaulat na nawawala sa minimum security compound ng NBP noong Agosto 15 kung saan sumunod namang nadiskubreng tumakas sina Laciste at tatlo pang Tsinoy.
Gayon pa man, matapos na lumutang si Go at pamangkin nitong nurse na si Lawrence Yu sa Camp Crame noong Agosto 16 ay sinabi nitong dinukot umano sila ng mga armadong kalalakihan at dinala sa Sto. Tomas, Batangas pero pinalaya dahil walang pambayad ng P1 milyong ransom.
Samantala, sinabi ni Laciste na nagawang tumakas ni Go at mga kasamahan nito matapos na magtago sa shipping container na pumasok at lumabas sa compound ng NBP.
“I’m very sure those responsible will be slapped with administrative cases,” ani Cerbo sakaling mapatunayang nagsasabi ng totoo si Laciste.
Si Go ay nahatulan ng korte sa kasong murder sa pagkakabaril kay Ateneo student Eldon Maguan sanhi ng alitan sa trapiko noong 1991.
Samantala, si Laciste naman ay nahatulang mabilanggo ng habambuhay sa kasong pagpatay kay Isabela Assistant Provincial Probation Officer Concepcion Lumanglas noong 2006.
- Latest
- Trending