6 backhoe sinunog ng NPA
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P2 milyong halaga ng ari-arian ang winasak ng mga rebeldeng New People’s Army makaraang sunugin ang anim na backhoe sa compound ng construction company sa Barangay Kagumahan sa bayan ng Kinoguitan, Misamis Oriental kamakalawa ng gabi.
Sa pahayag ni Army’s 4th Infantry Division spokesman Lt. Col. Eugenio Julio Osias IV, dakong alas-7:50 ng gabi nang salakayin ng mga armadong rebelde ang Golden Horn Company na nirentahan ng Del Monte Philippines Incorp. para gumawa ng fishbone ditches bilang paghahahanda sa pagpapalawak pa ng kanilang operasyon sa Misamis Oriental-Bukidnon area.
Walang nagawa ang mga guwardiya at kawani dahil sa matinding takot sa mga armadong rebelde.
Agad namang binuhusan ng gasolina ang anim na backhoe na nagkakahalaga ng P1.5 milyon hanggang P 2 milyon bawat isa.
Samantala, lumilitaw naman sa imbestigasyon na ang mariing pagtanggi ng may-ari ng construction company at ng DMPI na magbigay ng revolutionary tax sa mga rebelde ang motibo ng pananabotahe.
- Latest
- Trending