BIFF attack: 1 utas, 3 sugatan
MANILA, Philippines - Isa-katao ang iniulat na nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan matapos umatake ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa detachment ng militar at hospital sa Datu Unsay, Maguindanao at Pikit, North Cotabato kamakalawa.
Kinilala ni Col. Prudencio Asto, chief ng Public Affairs Office ng Army’s 6th Infantry Battalion ang nasawing sibilyan na si Anuar Langalin, 35, ng Brgy. Inug-ug, Pikit, North Cotabato.
Ang biktima ay nasapul ng bala ng grupo ni Commander Ameril Umbra Kato matapos na muli na namang umatake bandang alas-12:40 ng madaling-araw.
Lumilitaw na ang biktima ay lumabas ng bahay matapos marinig ang serye ng putok ng baril kaya pinaputukan ito ng makita ng mga bandido.
Samantala, sa palitan ng putok ng tropa ng militar ay nasugatan naman ang nurse ng Cruzado Medical Hospital na si Oby Servidad, 27, nang ratratin ang ikalawang palapag ng ospital.
Kabilang din sa mga nasugatan ay sina Pfc Jose Morales at ang Cafgu na si Rafael Palomar.
Narekober naman ang mga basyo ng bala ng M60 caliber machine gun, M14 Armalite at Garand rifles.
Kaugnay nito, hinigpitan ng Mechanized Infantry Battalion at ng 62nd Division Reconnaissance Company ng Army’s 6th Infantry Division ang route security upang masupil ang patuloy na paghahasik ng karahasan ng grupo ni Commander Kato.
- Latest
- Trending