TUGUEGARAO CITY, Philippines - Dahil sa kawalan ng kaalaman sa modernong medisina at mas pinaniwalaan ang albularyo, isang 23-anyos na stevedore sa palengke ang iniulat na namatay dahil sa sakit na leptospirosis na laganap sa binahang pamilihan ng San Fernando City, La Union kamakalawa.
Binawian na ng buhay sa Ilocos Training and Regional Medical Center si Arnold de Guzman ng Barangay Pagdalagan Norte, San Fernando City.
Nabatid na unang inakala ng kanyang pamilya na napagdiskitahan lamang ng mga laman-lupa ang biktima matapos itong mapadaaan sa ilang punso sa kanilang lugar.
Subalit sa pagsusuri, ang biktima ay lumusong sa tubig-baha sa kanilang pamilihang bayan noong nakaraang bagyo na sinasabing laganap ang nakamamatay na sakit na leptospirosis mula sa ihi ng daga.
Huli na nang maisugod sa ospital ang biktima matapos hindi humupa ang lagnat, pananakit ng katawan at paninigas ng panga.
Base sa medical dictionary, ang bacteria na genus Leptospira ay nagmumula sa ihi ng daga at aso kung saan nakukuha sa paliligo sa mga kontaminadong kanal at tubig-baha sa kalsada. Pinakamatinding bacteria na leptospirosis na nagmula sa ihi ng daga ay tinatawag na Weil’s disease