MANILA, Philippines - Umaabot sa 200 pasahero at tripulante ang iniulat na nasagip makaraang sumadsad ang ferry boat na sinasabing nasiraan ng makina sa baybaying dagat ng bayan ng Merida, Leyte kamakalawa ng gabi.
Base sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sumadsad ang M/V Super Shuttle Ferry 15 matapos itong maglayag mula sa Ormoc City patungong Cebu City bandang alas-9 ng gabi.
Nabatid na nawalan ng ilaw ang barko matapos huminto ang makina kung saan ay nagpalutang-lutang sa dagat hanggang sa sumadsad sa baybayin ng Merida.
Rumesponde naman ang Philippine Coast Guard at ilang ahensya ng lokal na pamahalaan sa Ormoc City at Isabel, Leyte matapos makatanggap ng distress call mula sa nasabing ferry boat.
Gamit ang tugboat ay nailigtas ang mahigit 200 pasahero at tripulante ng nasabing barko.