Manila, Philippines - Tatlong tripulanteng Indonesian ang nasagip ng mga mangingisda makaraang masiraan ang kanilang tugboat sa karagatan ng Sitio Laoag, Brgy. Maloma sa bayan ng San Felipe, Zambales kamakalawa.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Edgardo Ladao, director ng Police Regional Office 3, kinilala ang mga nasagip na dayuhan na sina Firman Ichsandy, Jam Hari at isang tinukoy lamang sa palayaw na Aseng na pawang gutom na gutom at nanghihina sa matinding uhaw at pagod.
Ang tatlo na bahagi ng 11 man crew ng T. B. Harlina 3, na lulan ng Indonesian tugboat na pag-aari ni Borneo Karya Sadir ay namataan at nasagip ng mangingisdang si Ramon de la Cruz ng San Felipe matapos na mapadaan sa bahagi ng nasabing karagatan dakong alas -9 ng umaga.
Lumilitaw na naglayag ang tugboat mula sa Indonesia noong Huwebes (Agosto 9) patungong China nang balyahin ng malalakas na alon kaya nasira ang sasakyang pandagat at nagpalutang-lutang sa karagatan.
Nabatid na may 10-araw na palutang-lutang sa karagatan ang tatlo kung saan napadpad sa bahagi ng San Felipe hanggang sa masagip.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na ang lokal na pulisya sa Bureau of Immigration and Deportation upang matulungan ang tatlo na makabalik sa kanilang bansa.