3,476 CLOA holders, nababahala sa demolisyon
SARIAYA, Quezon, Philippines - Tinatayang nasa 3,476 katao na may Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ang nababahala sa posibleng demolisyon na nasa ilalim ng programang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng Department of Agrarian Reform (DAR) dahil sa land reform revision.
Ang usapin ay nag-ugat matapos madiskubre ng Ugnayan ng Magsasaka sa Gitnang Quezon (UGMA-GQ) ang lumalalang usapin ng CARP exemption kung saan ay unti-unting natatalo ang kanilang kaso dahil sa kawalan ng matibay na basehan, at walang digitized map.
Ang digitized map ang basehan upang maprotektahan ang mga agrikuturang lupain at mga CLOA holder upang maiwasan ang kaguluhan ng pagbibigay ng sertipiko ng CARP exemption.
Kasalukuyan ay halos 3,000 pamilya na ang apektado sa mga natatalong kaso dahil sa kakulangan ng kooperasyon ng DAR na mapabilis ang digitized map na ipinangako ni DAR Secretary Virgilio De Los Reyes sa mga magsasaka.
Aabot sa 1,500 ektaryang lupa ang nanganganib na mapasailalim ng CARP exemption at 400 ektarya naman ang natalo na sa kaso.
Sa isinagawang public hearing noong Biyernes sa Sangguniang Bayan ng Sariaya na dinaluhan ng DAR representatives, local government units (LGU) ng Sariaya, legal counsel, Special Forces 1st Infantry Battalion, media practitioners partikular ang mga magsasaka, ibinalita ni Benilda Alvarez, opisyal ng DAR Central office na nasa 68% na ang isinasagawang lot plotting para i-ugnay sa municipal land use plan ng lokal na pamahalaan ng Sariaya kaugnay sa pagbuo ng digitized map.
- Latest
- Trending