MANILA, Philippines - Daan-daang bala ng mga malalakas na kalibre ng baril ang narekober ng tropa ng militar matapos makasagupa ang mga rebeldeng New People’s Army kamakalawa ng hapon sa liblib na lugar sa bayan ng Malangas, Zamboanga Sibugay. Ayon kay Captain Alberto Caber, spokesman ng Army’s 1st Infantry Division, bandang alas-4:30 ng hapon nang masabat ng 14th Scout Ranger Company at 4th Scout Ranger Battalion ang grupo ng mga rebelde sa Barangay Palalian, Malangas. Matapos ang matinding sagupaan kung saan umatras ang mga rebelde ay narekober naman ang 163 bala ng AK 47, 7.62 assault rifle, 13 bala ng Garand rifle, sari-saring gamot at mga subersibong dokumento. Nagpapatuloy naman ang pagtugis ng militar laban sa nagsitakas na mga rebelde.