Electrician inutas sa videoke bar

?LUCENA CITY, Philippines – Natigmak ng dugo ang loob ng isang videoke bar matapos na pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan ang tatlong electrician na ikinasawi ng isa sa mga ito habang dalawa pa ang nasugatan sa Brgy. VI ng lungsod na ito kahapon ng madaling araw. Dead-on-the-spot sa tinamong tama ng bala ng cal 38 revolver sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ang biktimang si Angelo Ramos.Kasalukuyan namang nasa ICU ng Quezon Medical Center ang mga sugatang sina Ariel Frias at Aries Cadavillo; pawang mga residente ng lungsod. Sa ulat ni Supt.. Sergio Vivar, Officer in Charge ng Lucena City Police, dakong alas-12:30 ng madaling araw ay lasing na pumasok sa Buggaletz Bar ang mga biktima at nag-inuman. Maya-maya ay pumasok rin ang tatlong senglot na kalalakihan na ang dalawa dito ay nakilala lamang sa mga alyas na Bogie at Foreman at naupo sa mesang kaharap ng mga biktima na ilang saglit pa ay pinagbabaril ang mga biktima. Iniimbestigahan na ang kasong ito.

Show comments