BULACAN, Philippines - Kagimbal-gimbal na kamatayan ang sinapit ng mag-ama at dalawa nitong apo matapos pagtulungang saksakin ng mga di-kilalang kalalakihan sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Burol 2nd, Balagtas, Bulacan kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga biktima na sina Rodrigo Roque 77, rice mill owner; Cristina Sta. Ana, 42; mga anak nitong sina Corine Joy Sta. Ana, 12; at Christian Sta. Ana, 10, kapwa estudyante at nakatira sa St. Francis Village, Brgy. Burol 2nd sa bayang nabanggit.
Base sa pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime operations (SOCO), nagtamo ng 9 na saksak si Rodrigo, 22 saksak naman sa anak nitong si Cristina na ang mister ay nasa Italya, 45 saksak kay Corine Joy at 4 naman kay Christian.
Nabatid na bago naganap ang brutal na krimen ay nagkaroon ng ilang kalalakihang bisita ang mga biktima kahit bumubuhos ang malakas na ulan.
Sa imbestigasyon ni P/Chief Insp. Alfonso Cruz, nadiskubre ang krimen bandang alas-2 ng madaling-araw nang dumating ang isa pang apo na si Erickson Roque mula sa kanyang trabaho.
Ang bangkay ng mag-ama ay narekober sa sala habang ang dalawang bata ay sa kani-kanilang silid.
Samantalang, sinisilip naman ng mga imbestigador ang anggulo ng pagnanakaw dahil wala na ang perang tinatayang nasa mahigit P.2 milyon na itinatago ng matanda sa vault.
Posibleng pinabuksan muna ng mga kawatan ang safety vault sa matanda dahil ito lamang ang nakakaalam ng kombinasyon bago ito pinatay.
Bago ang insidente ay nag-withdraw sa banko ang matanda ng P 280,000 dahil may babayaran itong P 145,000 na biniling palay pero nung gabi ay isa nitong apo ang nag-remit sa kaniyang lolo ng P80,000 na pinagbentahan sa bigas.
Narekober sa crime scene ang duguang kutsilyo, baluktot na screw driver, bakal na tubo kung saan pinaniniwalaang isa hanggang sa tatlong kalalakihan na lango sa bawal na droga ang nasa likod ng krimen.
Kaugnay nito, tatlong trabahador naman sa lugar ang inimbitahan ng pulisya para sumailalim sa imbestigasyon.