Manila, Philippines - Dalawang sekyu ng banana plantation ang kumpirmadong nasawi habang apat iba pa ang nasugatan makaraang tambangan ng grupo ni Kumander Umbra Kato kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng highway sa Barangay Alip sa bayan ng Datu Paglas, Maguindanao.
Kinilala ni Col. Prudencio Asto ng Army’s 6th Infantry Division ang mga nasawing biktima na sina Jodemar Zarbosa at Moises Catalan na kapwa sekyu ng Columbia Security and Investigative Agency na nakatalaga sa Sumitomo Fruits sa hangganan ng Maguindanao at Sultan Kudarat.
Nakipagpalitan naman ng putok ang iba pang security guard hanggang magsiatras ang mga rebelde.
Samantala, sugatan naman sina Carlos Echavez, security guard at Rogelio Ladio, pinuno ng Columbia Security Guard gayundin ang dalawang trabahador na sina Ronald Benzon at Allan Tanalgo.
Base sa imbestigasyon, bandang alas-8 ng gabi nang tambangan ng pangkat ni Commander Kato ang van na may kargamentong saging na ini-eskortan ng mga security guard na patungong packing plant sa Datu Paglas.
Sinasabing nakatatanggap ng extortion letter ang pangasiwaan ng banana plantation.