RIZAL, Philippines - Patay ang isang ginang at dalawang anak nito na nagkaka-edad lang ng isa at limang taong gulang, nang tangayin ng rumaragasang tubig na dulot ng matinding pag-ulan habang tumatawid sa creek sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mag-iina na sina Michelle Demafiles, 26; Veronica Mae, 5; at si John Henricks, 1; pawang nakatira sa Phase 2, SKB Homes, Sitio Tanza 2, Barangay San Jose sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Rodino Elf, hepe ng Antipolo City PNP, papauwi na ang mag-iina mula sa pagbisita sa kamag-anak nang tangayin at lamunin ng tubig-baha sa creek habang bumubuhos ang malakas na ulan.
Unang natagpuan ang bangkay ni Veronica, ilang metro ang layo sa pinangyarihan ng insidente habang sa di-kalayuan ay ang batang si John Henricks. Sa bayan naman ng Teresa natagpuan ang bangkay ni Michelle.