Isang linggong blackout sa Morong
MORONG, Bataan, Philippines – Makakaranas ng isang linggong kawalan ng kuryente ang bayang ito makaaraang itumba ng landslide ang limang transmission line pole sa kasagsagan ng malalakas na pagbuhos ng ulan na dulot ng hanging habagat noong Miyerkules, ayon sa opisyal kahapon.
Sinira ng landslide ang 69-kiloVolt line na nakaapekto sa mga kliyente ng Peninsula Electric Cooperative (PENELCO)-Morong, saad ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sinabi ni Edwin Zaldivar, manager ng PENELCO Engineering Services Division, na dumating ngayong araw ang mga lineman ng NGCP sa bulubunduking bayan upang ayusin ang mga transmission pole na maaaring abutin hanggang Agosto 14.
Ayon kay Lilibeth Gaydowen, NGCP Public Affairs Officer, nahihirapan ang mga lineman na isaayos ang problema dahil sa malawakang pagbaha sa bayan kung saan 17,000 residente ang naapektuhan ng baha base sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council mula Agosto 8.
Samantala, bumalik na kahapon ang kuryente sa bayan ng Dinalupihan matapos hilingin ng PENELCO sa NGCP na ibalik ang suplay dahil sa paghupa ng baha kung saan nasa 20,000 residente ang naapektuhan
- Latest
- Trending