MANILA, Philippines - Isang sundalo ang nasawi habang lima pa ang nasugatan matapos sumiklab muli ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ng pasaway na grupo ni Commander Ameril Umbra Kato sa bayan ng Datu Hoffer, Maguindanao kamakalawa.
Ayon kay Army Spokesman Major Harold Cabunoc, dakong alas-10:30 ng umaga ng mangyari ang bakbakan sa nasabing lugar.
Sinabi ni Cabunoc na kasalukuyang nagsasagawa ng security patrol ang tropa ng Army’s 68th Infantry Battalion (IB) sa pamumuno ni Lt. Col Kit Teofilo sa lugar ng paputukan ng armadong grupo ni Commander Kato na nauwi sa bakbakan.
Ang ground forces ng Philippine Army ay sinuportahan ng artillery fires ng combat helicopter ng Philippine Air Force (PAF) kung saan ang bakbakan ay tumagal ng hanggang alas-7 ng gabi.
Ang nasabing engkuwentro ay ikinasawi ng isang sundalo na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan habang isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatan sa panig ng militar. Samantalang nagsagawa rin ang mga ito ng harassment sa dalawang pang military detachment.
Magugunita na kamakailan lamang ay naglunsad ng serye ng pag-atake ang grupo ni Commander Kato kung saan pinagpuputol ang mga poste ng kuryente gamit ang chainsaw na nagbunsod upang magblack-out ang 11 bayan sa lalawigan.