Indian na bihag ng Sayyaf nakatakas
MANILA, Philippines - Matapos ang mahigit isang taong pagkakabihag, nagawang makatakas ng negosyanteng Bombay na sinamantalang makatulog ang mga kidnapper nitong Abu Sayyaf Group (ASG) sa kuta ng mga ito sa kagubatan sa bulubunduking bahagi ng Patikul, Sulu kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Sulu Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Antonio Freyra ang nakatakas na bihag na si Viju Koolara Veetil, 36-anyos.
Ang nasabing Bombay na nagpapahulugan ng 5-6 ay dinukot ng mga armadong bandido noong Hunyo 22, 2011 matapos itong magtungo sa Brgy. Tampok, Patikul, Sulu.
Sinabi ni Freyra, base sa salaysay ni Veetil, sinamantala nitong makatulog ang kanyang mga bantay na Abu Sayyaf ng isagawa ang pagtakas sa pagitan ng alas-3 hanggang alas-4 ng madaling araw.
“Nagpapahinga yung mga kidnappers, Nag midnight fasting siguro napuyat kaya nakatulog, nakasilip siya at naka-eskapo,” ayon sa opisyal.
Ayon kay Freyra, lakad at karipas ng takbo ang ginawa ng Bombay hanggang sa makahingi ito ng tulong sa isang pribadong behikulo na napadaan sa highway ng Brgy. Kaday Mampallam kung saan dinala siya sa bahay ni Board member Ismun Suhuri sa bayan ng Patikul.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Freyra na marami pa ang bihag na dayuhan ng mga bandido na kinabibilangan ng isang negosyanteng Chinese, isang Hapones, isang retiradong sundalong Australyano at dalawang bird watcher na European national na hawak ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Radulan Sahiron.
- Latest
- Trending