Actor-politician, misis inakyat-bahay
BATANGAS , Philippines – Sinamantala ang kasagsagan ng buhos ng ulan ng mga miyembro ng Akyat-Bahay Gang matapos pasukin at pagnakawan ang resthouse ng actor-politicain at maybahay nito sa Barangay Malabrigo sa bayan ng Lobo, Batangas noong Linggo ng gabi.
Sa naantalang ulat ng pulisya, nabatid na pinagnakawan ang resthouse na tinutuluyan ng mag-asawang Board Member Christopher ‘Boyet’ de Leon at Sandy Andolong-de Leon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-2 ng madaling-araw habang natutulog ang mag-asawa ay sinasabing nakapasok ang mga kawatan sa bintana ng palikuran.
Natangay ng akyat-bahay ang pitaka ni Christopher na may P10,000, Guess wrist watch, dalawang Samsung Galaxy 2 na nakalagay sa tabi ng kama ng mag-asawa.
Nalimas naman kay Sandy ang cell phone, cash na P2,500 mula sa pitaka nito.
Sa salaysay ng actor sa pulisya, nagising siya bandang alas-3 ng madaling-araw upang magtungo sa palikuran at doon nakita ang bukas na bintana, sinara niya ito at muling natulog.
Bandang alas-3 ng hapon nang napansin na nawawala na ang mahahalagang gamit ng mag-asawa habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest
- Trending