Lider ng NPA bulagta sa encounter
MANILA, Philippines - Napaslang ang lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos makasagupa ang tropa ng militar sa liblib na bahagi ng Barangay Telafas sa bayan ng Columbio, Sultan Kudarat kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Lt. Col. Alexis Noel Bravo, commander ng Army’s 27th Infantry Battalion, kinilala ang nasawing rebelde sa alyas Ka Joe, assistant team leader ng NPA sa nasabing lalawigan.
Lumilitaw na rumesponde ang mga tauhan ng Army’s 27th Infantry Battalion matapos na makatanggap ng ulat kaugnay sa pangha-harass ng grupo ni Ka Joe sa mga residente.
Nabatid na papalapit pa lamang sa komunidad ay sinalubong na ang mga sundalo ng pagpapaulan ng putok ng mga rebelde na nauwi sa bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig.
Tumagal ng isang oras ang engkuwentro bago napatay si Ka Joe na ang bangkay ay inabandona ng mga nagsitakas nitong tauhan.
Nasamsam sa encounter site ang dalawang M16 rifles at tatlong M14 rifles.
- Latest
- Trending