Cavite, Laguna at iba pa lubog sa tubig-baha
MANILA, Philippines - Umaabot sa 15 bayan at 3 lungsod sa Laguna ang lumubog sa tubig-baha matapos ang malalakas na pagbuhos ng ulan na dulot ng southwest monsoon rains na pinatindi pa ng papalapit na bagyong Haiku, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon. Kabilang dito ay ang mga bayan sa San Pedro, Biñan City, Sta. Rosa City, Calamba City, Cabuyao, Los Baños, Bay, Victoria, Pila, Sta Cruz, Lumban, Paete, Pakil, Pangil, Siniloan, Mabitac, Sta. Maria at ang bayan ng Famy. Samantala, iniulat din ng NDRRMC na libu-libong residente ang inilikas sa ilang bayan ng Cavite, Bulacan, Bataan at Pampanga bunga ng malawakang pagbaha sa mga mababang lugar. Partikular na naitala ang hanggang dibdib na pagragasa ng tubig-baha sa Barangay Habay, Bacoor City, Cavite kung saan mabilis ang naging pagresponde ng lokal na pamahalaan na nagsagawa ng rescue operations sa mga apektadong residente. Sa Pampanga, nasa 10 bayan na naunang napaulat na binaha ang 119 barangay nang muli na namang tumaas ang tubig-baha sanhi ng walang humpay na buhos ng ulan. Samantala, sanhi ng nararanasang delubyo ng kalamidad sa mga pagbaha ay nagdeklara na ang Bataan kahapon ng state of calamity matapos lumubog sa tubig-baha ang 16 bayan. Nabatid na nasa 114 barangay ang lumubog sa tubig-baha kung saan isang batang lalaki ang napaulat na tinangay ng malakas na agos. Nagmistulang waterworld ang 59 barangay sa 10 bayan at dalawang lungsod ng Bulacan dulot ng patuloy na buhos ng ulan, ayon sa ulat ng lokal na pulisya at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) kahapon. Ultimong ang himpilan ng provincial PNP office ay lumubog sa tubig-baha at na-istranded ang mga pulis sa ikalawang palapag ng gusali, ayon kay P/Senior Supt. Fernando Mendez. Samantalang marami pa sa mga himpilan ng pulisya sa Bulacan ang nalubog rin sa tubig-baha na nagdulot rin ng blackout. Kabilang sa mga binahang lugar ay ang 11 barangay sa bayan ng Obando; 13 barangay sa Calumpit; 8 barangay sa Marilao; apat na barangay sa Bocaue; tatlong Barangay sa Pulilan;16 barangay naman sa Malolos City at ilang barangay sa Meycauayan City. Samantala, hindi madaanan ang McArthur Highway, Marilao, Meycauayan, Malolos City patungong North Luzon Expressway (NLEX) kung saan marami ang na-istranded na sasakyan.
- Latest
- Trending