BATANGAS, Philippines - Napaslang ang chief of staff ng non-government organization (NGO) matapos tambangan ng riding-in-tandem sa Barangay 11, Lipa City sa Batangas kahapon ng umaga.
Idineklarang patay sa NL Villa Hospital ang biktimang si Santiago Epifanio Garong II, 50, ng Rizal Street, Lipa City.
Base sa police report, nagmamaneho ng puting Mitsubishi Delica van (CSJ 4141) ang biktima, kasama ang bayaw nitong si Dr. Ernie Reyes at kapatid na si Nenette Reyes nang ratratin ng tandem pagsapit sa Solis Street bandang alas-7:15 ng umaga.
Nakaligtas naman ang mag-asawang Reyes matapos na magpatay-patayan habang binabaril ang kanilang sasakyan.
Sa panayam ng PSN kay Dr. Reyes, posible umanong siya ang target sa pananambang dahil may kaugnayan ito sa kanyang isinusulong na conversion ng Batangas Electric Cooperative(BATELEC) mula sa NEA (National Electrification Authority) papuntang CDA o (Cooperative Development Authority).