Manila, Philippines - Pito-katao kabilang ang tatlong menor-de-edad ang nalason matapos mag-almusal ng isdang butete sa Barangay Hilotongan, Bantayan Island, Cebu noong Sabado ng umaga.
Kabilang sa mga biktimang isinugod sa Bantayan District Hospital ay sina Alejandro Minguito, 51; Alvin Minguito,13; Rich Kay Minguito Rayco,11; John Vincent Minguito, 9; Dionisio Abrasada, 53; Joseph Abrasada, 33; at si Joel Abrasada, 23.
Bandang alas-8 ng umaga nang bumili si Alejandro ng ilang piraso ng isdang butete sa vendor na si Glen “Dodong” Orpil at niluto para pang-almusal.
Gayon pa man, dalawang oras matapos mag-almusal ay nakaranas ng matinding pananakit ng ulo, tiyan, pagsusuka, pagkahilo at pamamanhid ng katawan ang mga biktima.
Ayon kay PO2 Lou Susvilla, si Alejandro na nangisda muna matapos kumain ng butete kasama sina Dioniso at Joseph sa Barangay Hagnaya sa bayan ng San Remigio nang magsimulang magsuka at mahilo.
Bunga nito ay mabilis na isinugod ang mga biktima sa Bantayan District Hospital kung saan nakumpirmang nalason sa pagkain ng nasabing isda.
Nabatid na ang isdang butete ay ipinagbabawal kainin dahil sa taglay nitong toxin na posibleng ikamatay ng mga taong kakain nito lalo na kapag hindi naagapan.