Ex-pulis-MPD tiklo sa pamamaril

BULACAN, Philippines - Nahaharap sa kasong kriminal ang 59-anyos na retiradong pulis-Maynila matapos itong arestuhin ng pulisya sa kasong pamamaril at pambubugbog sa dalawang sibilyan na nakisilong sa loob ng owner-type jeep habang bumubuhos ang malakas na ulan sa bahagi ng San Jose Del Monte City, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Pormal na kakasuhan ang suspek na si ex- P/Senior Insp. Arnulfo Malaluan ng Barangay Gulod sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan.

Kinilala naman ang dalawang biktima ng pamamaril at panggugulpi na sina Ken Aldrich Ruben, 19; at Emily Pajilan, 18, kapwa nakatira sa Pabahay 2000, Brgy. Muzon sa nabanggit na lungsod.

Sa police report na nakarating kay P/Supt. Reniel Valones, pansamatalang sumilong ang dalawa sa nakaparadang sasak­yan ng suspek matapos bumuhos ang malakas na ulan sa bahagi ng Melody Plains sa Barangay Muzon.

Gayon pa man, inabutan ng suspek ang dalawa sa kanyang owner-type jeep kaya sinita nito kung saan nagpaliwanag naman ang mga biktima.

Hindi naman nakumbinsi ang suspek kaya pinagbabaril nito ang dalawa subalit sumablay kung saan nauwi sa gulpihan.

Nakahingi naman ng saklolo sa pulisya ang mga biktima kaya dinakma ang suspek .

Show comments