CEBU CITY, Philippines – Tatlong magkakaibigang babae ang dinakma ng pulisya matapos pagnakawan ng malaking halaga at ari-arian ang kanilang kaibigang Hapones sa Barangay Pajo sa Lapu-Lapu City, Cebu noong Miyerkules ng hapon.
Pormal na kinasuhan ng pulisya ang mga suspek na sina Marie Jane Alonzo, 20, ng Barangay Basak; Chona Pino, 22, ng Sangi New Road; at si Laniflor Taneo, 18, ng Barangay Babag.
Ang tatlo ay inaresto matapos magreklamo sa himpilan ng pulisya ang biktimang si Keni Chi Murasaki, 73, ng Tokyo, Japan.
Ayon sa biktima, nawawala ang kanyang relong Rolex (P50,000) at cash na 1 milyong Japanese yen (P534, 490) sa loob ng inuupahang apartment sa nabanggit na barangay.
Lumilitaw sa imbestigasyon na bago maganap ang insidente ay nakitulog ang mga suspek sa kuwarto ng biktima.
Nabatid din na tuwing magtutungo sa ‘Pinas ang biktima ay nakikitulog ang mga suspek sa kanyang inuupahang apartment.
Sa rekord ng closed-circuit television camera, lumilitaw na ang tatlo ay lumabas ng apartment ng biktima bandang alas-4 ng madaling-araw ng Miyerkules.
Gayon pa man, inamin ng mga suspek ang krimen matapos marekober sa bahay ni Taneo ang 430,000 yen (P229,830) at Rolex ng biktima. Freeman News Service