MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa animnapu’t tatlong mangingisda ang iniulat na nailigtas matapos lumubog ang bangkang pangisda sa Butuan Bay, Agusan del Norte kamakalawa.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-4 ng madaling araw nang lumubog ang 13 bangkang panginsda na sinasakyan ng mga biktima sa Butuan Bay.
Matapos makatanggap ng distress call sa mga biktima ay kaagad na rumesponde ang rescue team ng Tubay PNP, Buenavista PNP, Agusan del Norte PNP Provincial Office at ang 13th Regional Public Safety Battalion lulan ng rubber boats.
Kabilang sa mga nailigtas ay ang mga mangingisdang sakay ng pitong bangkang pangisda mula sa Barangay Manapa, Buenavista at anim naman sa Brgy. Poblacion, Tubay, Agusan del Norte.
Nabatid na sa kabila ng masungit na panahon ay pumalaot pa rin ang mga mangingisda hanggang sa balyahin ng daluyong na alon ang mga bangka kaya isa-isa itong nagsilubog.
Kaugnay nito, hinikayat naman ng pulisya ang mga residenteng mangingisda na maging vigilante at isagawa ang kaukulang pag-iingat lalo na kapag masungit ang panahon.