MANILA, Philippines - Patay ang isang hepe ng pulisya at tatlong iba pa matapos na tambangan ng mga armadong kalalakihan habang bumabagtas ang convoy ng isang alkalde sa highway ng Brgy. Laing-Laing, Omar, Sulu kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Inspector Nasiruddin Jailani, hepe ng Omar Municipal Police Station (MPS), at ang dalawang kasapi ng PNP- Special Action Force (SAF) na sina PO2 Ferdinand Gumiraw, PO2 Banjir Madjidul at ang sibilyang si Masudi Abdurahim.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatan na si PO1 Neptali Roco at lima pang sibilyan na kinabibilangan nina Ridzmar Julkarnain, Sherhan Hussin, Beri Sahibuddin at dalawang iba pa na hindi natukoy ang pangalan; pawang nilalapatan na ng lunas sa Sulu Provincial Hospital.
Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang pananambang sa convoy ng bagong upong alkalde na si Ferhana Mohammad habang patungo sa munisipyo ng Omar kasama ang hepe ng nasabing bayan at ilan pang security escort.
Nabatid na si Mohammad ay naluklok na alkalde sa bayan ng Omar matapos namang maiprotesta sa Comelec ang dating alkalde dito na si Hadji Ahmad Omar.
Ayon kay Sulu Provincial Office (PPO) Director P/Sr. Supt Antonio Freyra, iniimbestigahan na ng pulisya kung may kinalaman sa pulitika o kagagawan ng mga armadong bandido sa Sulu ang insidente.
Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operation ng pulisya at militar laban sa mga nagsitakas na suspek.