BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Nagwakas ang pagseserbisyo sa taumbayan ng 46-anyos na tauhan ng bagong tatag na Civilian Investigative Support (CIS) ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos pagbabarilin ng di-kilalang lalaki kahapon ng madaling araw sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya.
Dalawang tama ng bala ng cal. 9mm sa mukha ang tumapos sa buhay ni Arnel Cabanilla ng Bonfal West Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Alberto Bagara, hepe ng Solano PNP, bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ni Cabanilla sa gilid ng kalsada sa Barangay Tucal sa hangganan ng mga bayan ng Villaverde at Solano.
Ayon kay P/Chief Insp. Armando Casem, Nueva Vizcaya CIDG provincial officer, huling namataang buhay ang biktima na may sumundong di-kialang lalaki mula sa kanilang tahanan.
Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng bala ng cal. 9mm at 10 plastic sachet ng shabu.
Sinabi naman ni Casem na ang drogang nakuha sa biktima ay posibleng inilagay lamang ng killer upang lituhin ang imbestigasyon ng pulisya.
“Hindi lamang sampung taon na nagsilbing agent ng CIDG si Arnel hanggang sa maging miyembro ng CIS, marami siyang nagawang trabaho at napaaresto na mga tulak subalit kailan man ay hindi ito nagtutulak ng droga,” pahayag ni Casem.