MANILA, Philippines - Naglaho ang matayog na pangarap ng mga magulang ng 22-anyos na law student ng San Beda College matapos masawi sa madugong hazing ng fraternity sa Dasmariñas City, Cavite noong Lunes ng madaling- araw.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, kinumpirma ni Cavite Provincial Police Office Director P/Senior Supt. John Bulalacao ang pagkamatay ni Mark Andrei Marcos sa De la Salle University Medical Center sa Dasmariñas City.
Ayon sa opisyal, malaki ang posibilidad na ang 1st year law student ay namatay sa pagpapahirap sa hazing dahil may mga malalalim na pasa na nangingitim at nagkulay ube na sa likuran ng katawan, braso at hita na palatandaang pinahirapan ito.
Nabatid na nagpaalam ang biktima sa kaniyang pamilya na gagawa lamang ng proyekto noong Sabado.
Subalit hindi na nakauwi noong linggo at hindi rin makontak sa kaniyang cellphone kung saan ikinagulat nila ang balitang namatay ito sa hazing matapos isugod sa nasabing ospital noong Lunes ng madaling-araw.
Isinailalim naman sa masusing imbestigasyon si Soledad Sanda na sinasabing nagdala sa biktima sa nabanggit na ospital pero ayaw nitong magsalita sa sinapit ni Marcos.
Samantala, naghihinala naman ang mga kaibigan ni Marcos na ang Lex Leonum Fraternity ang nasa likod ng pagkamatay ng estudyante.
Ang bangkay ng biktima ay dinala na sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame para isailalaim sa post-mortem examination habang patuloy naman ang imbestigasyon.
Base sa tala, si Marcos ang ikalawang San Beda Law student na namatay sa marahas na hazing kung saan ang una ay si Marvin Reglos na napatay naman sa pagsali sa Lambda Rho Beta fraternity noong Pebrero 2012. Joy Cantos at Cristina Timbang