Army vs Sayyaf: 19 death toll, 26 sugatan

Manila, Philippines -  Umaabot na sa 19 ang death toll kabilang ang sampung sundalo habang 26 naman ang nasugatan sa dalawang magkakahiwalay na umaatikabong bakbakan sa pagitan ng tropa ng militar at ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Sumisip, Basilan kamakalawa.

Ayon kay Army’s 1st Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Ricardo Rainier Cruz, 10 ang kabuuang nasawing sundalo at 17 naman ang nasugatan sa kanilang panig.

Ang engkuwentro ay pinakamadugo kaugnay ng pag-uumpisa ng Ramadan ng mga Muslim nitong Hul­yo 19 ng taong ito na tatagal ng isang buwan.

Sa unang bakbakan dakong alas-8:30 ng umaga sa Brgy. Upper Cabengbeng sa Sumisip sa pagitan ng Army Scout Ranger at ng mga bandidong Abu Sayyaf Group ay agad na nalagasan ng 8 sundalo at pito naman ang sugatan.

Sa ikalawang engkuwentro matapos tambangan ng mga bandido ang reinforcement troops dakong alas-3 ng hapon sa Brgy. Mebak, Su­misip, Basilan ay da­lawa namang sundalo ang namatay at sampu ang nasugatan.

Ang mga nasawing sundalo ay kinilalang sina Pfc Segundiano Tamayo Jr, Pfc Rey Evangelista, Pfc Arnold Coresis, Pfc Cleto Algayan, Pfc Kennith John Maribao, Pfc Jose Marvin Talamante, Pfc Mark Ocampo, Pfc Arwin Martinez, Cpl Jerry Areglado at Pfc Erwin Alerta.   

Ayon naman kay AFP Western Mindanao Command Spokesman Lt. Col. Randolph Cabangbang, siyam ang bangkay ng mga bandidong narekober sa encounter site habang siyam rin ang napaulat na nasugatan sa nasabing grupo.

 Kabilang sa mga nasa­wing bandido ay tinukoy na sina Ustadz Hassan Asnawi, Jumaidi Asnawi (anak ni Hassan), Nurham Asnawi, Juhair Aliman, Kaobut Mastul, Hudjata Marain, Meloy Patpi, Aka Balong at isang hindi natukoy ang pagkakakilanlan. Ang mga nasugatang kalaban ay sina Wyms Wakil, Jarad Marain, Jaz Umangkat at anim pang hindi natukoy ang pagkakakilanlan.

Samantala, ipinag-utos na ni Army Chief Lt. Gen. Emmanuel Bautista ang pagpapalabas ng P7 .2 M bilang tulong pinansyal sa naulilang pamilya ng mga nasawing sundalo.

Show comments