Encounter: 7 sundalo, 4 Sayyaf patay
Manila, Philippines - Pitong sundalo at apat na bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang napaslang matapos sumiklab ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng ekstremistang grupo sa Upper Cabengbeng, Sumisip, Basilan kahapon ng umaga.
Ayon kay Major Gen. Ricardo Rainier Cruz, Commander ng Army’s 1st Infantry Division (ID), bandang alas-7:30 ng umaga ng makasagupa ng operating troops ng 11th Scout Ranger Company at 4th Special Reconnaissance Battalion (SRB) ang hindi pa madeterminang bilang ng mga bandido sa nasabing lugar.
Nabatid na nagsasagawa ng ‘Operation Water Dragon 2’ ang tropa ng militar nang paulanan ang mga ito ng bala ng mga bandidong grupo na nauwi sa engkuwentro na tumagal ng mahigit isang oras.
Sa nasabing bakbakan, ayon sa opisyal ay pito ang nasawi sa mga sundalo na hindi muna nito tinukoy ang mga pangalan dahilan kailangan pang impormahan ang kanilang mga pamilya at tatlo naman ang nasugatan na isinugod na sa pagamutan.
Sa panig ng mga bandido ay nalagasan naman ang mga ito ng apat na mga bangkay ay inabandona ng mga nagsitakas nilang kasamahan habang dalawa naman sa mga ito ang nasugatan. Kasalukuyan namang inaalam ang pagkakakilanlan sa mga nasawing kalaban.
Nagpapatuloy naman ang hot pursuit operations ng mga kawal ng pamahalaan laban sa mga nagsitakas na bandido.
- Latest
- Trending