COTABATO CITY, Philippines – Napaslang ang presidente ng Association of Barangay Chairman (ABC) at anak nito matapos ratratin ng riding-in-tandem sa bisinidad ng Poblacion sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao kahapon ng umaga.
Napuruhan sa ulo at dibdib ang mag-amang sina Konsehal Dennis Ali, at Satol Ali, kapwa nakatira sa Barangay Kalipapa sa nasabing bayan.
Base sa police report na nakarating kay P/Supt. Marcelo Pintac, director ng Maguindanao Provincial PNP, ang mga biktima na lulan ng service vehicle nang tabihan at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nagpapagasolina bandang alas-10 ng umaga.
Hindi naman naplakahan ang motorsiklo at maging ang pagkakakilanlan ng gunman na naka-helmet.
Sinisilip naman ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong may kaugnayan sa politika ang pamamaslang sa mag-ama.