Dalaga ginilitan ng nobyo

CEBU CITY, Philippines – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang 21-anyos na dalaga matapos gilitan ng kanyang 17-anyos na nobyo noong Biyernes ng hapon sa Barangay Lower Pakigne, Minglanilla sa Cebu.

Naisugod sa South General Hospital ang biktimang si Mariel May Abad ng Barangay Calajo-an, nagtamo ng malalim na sugat sa leeg at kamay.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na pansamantalang hindi isiniwalat ang pagkakakilanlan dahil sa menor-de-edad.

Sinabi ni P/Chief Insp. Timmar Alam, hepe ng Minglanilla PNP, nag-uusap ang magsyota sa bahay ng lalaki nang maganap ang insidente bandang alas-4:30 ng hapon.

Nabatid na pinakiusapan ng dalaga ang kanyang nobyo na tapusin ang kanilang relasyon subalit matinding tumanggi ang suspek.

Dito na ginilitan ng suspek ang kanyang nobya saka iniwang duguan kung saan ilang kapitbahay ang nagdala sa nasabing ospital.

Ayon kay Timmar, hindi makapagsalita ang biktima subalit naisulat naman nito ang pangalan ng kanyang nobyo na pangunahing suspek habang patuloy namang minomonitor ang kanyang kalagayan. Freeman News Service

Show comments