ILOILO CITY, Philippines – Labingwalong bayan sa lalawigan ng Iloilo ang pinugaran ng laksa-laksang daga kung saan aabot sa milyong halaga ng palayan ang naapektuhan.
Sa ulat ng Provincial Agriculturist Office (PAO), kabilang sa mga bayang naapektuhan ng rat infestation ay ang mga bayan ng Leon, Alimodian, Sta. Barbara, Leganes, Zarraga, New Lucena, Cabatuan, Mina, Badiangan, Lambunao, San Enrique, Dingle, Dueñas, Dumangas, Anilao, Barotac Viejo, Concepcion at bayan ng Estancia.
Ang mga bayan ng Mina, Sta. Barbara, New Lucena, at Anilao ay masyadong naapektuhan sa pananalasa ng mga daga.
Base sa tala ng PAO, noong Huwebes (Hulyo 19) aabot sa 3,416.8 ektaryang palayan sa mga nabanggit na bayan ay apektado ng rat infestation.
Namahagi naman ang PAO ng 645 botelya ng zinc phosphide para mapigilan ang patuloy na pagdami ng daga sa naapektuhang munisipalidad.
Kasunod nito nagpatawag na ng pagpupulong si Governor Arthur Defensor Sr. sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) sa pamumuno ni DA-6 regional director Larry Nacionales para matugunan ang lumalalang problema sa pang-agrikultura.
Hinikayat naman ng mga opisyal ng DA ang mga magsasaka na magsagawa ng synchronized planting para di-maapektuhan ng nasabing peste.