CAMARINES NORTE, Philippines - Pinaniniwalaang hindi nakayanan ang matinding problema sa kanyang ka-live-in kaya nagdesisyon ang 25-anyos na minero na magbigti sa loob ng kanilang bahay sa Purok 5, Barangay Santa Barbara sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte kamakalawa ng umaga. Sa ulat ni P/Chief Insp. Samson Belmonte, bandang alas-6 ng umaga nang madiskubre ng kanyang kasambahay na si Abegail ang biktimang si Richard Samson na nakalambitin sa kisame. Nabatid na nitong nakalipas na araw ay kinakitaan ng kakaibang kilos ang biktima dahil sa problema sa kanyang live-in partner na sinasabing umalis ng walang paalam. Walang iniwang suicide note ang biktima.