5 katao natusta sa sunog
MANILA, Philippines - Apat na miyembro ng pamilya ng isang OFW at katulong ang natusta nang buhay makaraang makulong sa nasusunog nilang bahay sa isang subdibisyon sa General Santos City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Senior Supt. Cedric Train, hepe ng General Santos City Police ang mga nasawing biktima na sina Leonora Barace, mga anak nitong sina Aldrin Adrian, 16; Myangel Barace, 11; Andrew, 8 at ang kasambahay na tinukoy lamang sa pangalang Judith.
Ang mister ng ginang ay nagtratrabaho bilang inhinyero sa Middle East na kaaalis pa lamang sa bansa matapos magbakasyon.
Ayon naman kay SFO3 Romeo Pantoja, arson investigator, nagsimulang tupukin ng apoy ang tahanan ng pamilya Barace bandang alas-3:10 ng madaling araw sa Lot 15, Blok 10, Phase 1, Gensaville Subdivision, Brgy. Bula ng lungsod na ito.
Sa pahayag ng mga kapitbahay ng mga biktima, nakarinig sila ng malakas na pagsabog sa bahagi ng kusina bago tuluyang binalot ng apoy ang buong kabahayan.
Mabilis namang nagresponde ang mga bumbero sa lugar pero nahirapan ang mga itong mapasok kaagad ang compound dahil sa nakapadlock ang bakal na gate ng tahanan habang masyado ring mataas ang pader ng bahay ng pamilya Barace.
Naapula ang apoy bandang alas-5 ng umaga kung saan natagpuan ang natustang bangkay ng mga biktima na magkakahiwalay sa loob ng nasabing bahay.
Kasalukuyan pang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang alamin kung ano ang pinagmulan ng sunog.
- Latest
- Trending