MANILA, Philippines - Bagsak kalaboso ang tatlong estudyante sa kolehiyo matapos masangkot sa panggugulpe ng kapwa estudyante sa compound ng provincial capitol ng Kalinga kamakalawa.
Sa ulat ng tanggapan ni P/Chief Supt. Benjamin Magalong ng Cordillera PNP Office, kinilala ang mga inarestong estudyante na sina Kilmer de Jesus, 19; at dalawa pang pinsan nito na hindi natukoy ang pangalan na pawang mag-aaral sa Kalinga Apayao State College.
Ang tatlong suspek ay dinakip matapos ireklamo ng mga biktimang sina June Gany Bangibang, 18; John Brian Gamongan at si Clinton Flores.
Nabatid na bago maganap ang insidente ay nag-iinuman ang grupo ng biktima at suspek kasama ang tatlong babae sa bahay ni Nieves Tubban sa Tabuk City.
Nabatid na isa sa babae na si Jane Dupali ay nobya ng suspek na si de Jesus na sinasabing lango na sa alak.
Sa nasabing inuman ay nakipagtalo ang biktimang si Bangibang kay Dupali na lango na rin sa alak kaya matapos ang inuman ay inabangan ang tatlo ng kanilang kainuman saka pinagtulungang gulpihin.