MANILA, Philippines - Tatlong hepe ng pulisya na nakabase sa General Santos City ang sinibak sa puwesto kaugnay ng pinalakas na one strike policy ng liderato ng Philippine National Police (PNP) laban sa illegal gambling.
Ito ang kinumpirma kahapon ng tagapagsalita ng PNP na si P/Chief Supt Generoso Cerbo Jr., base sa kautusan ni General Santos City PNP director P/Senior Supt. Cedric Train ng Regional Office 12.
Kabilang sa mga pinatalsik sa puwesto ay sina P/Chief Inspector Leo Sua ng PNP Station 1; P/Chief Inspector Samuel Cadungon ng PNP Station 2 at si P/Inspector Hoover Antonio ng PNP Station 6.
Ang pagkakasibak sa tatlong hepe ng pulisya ay resulta ng one strike policy ng PNP kung saan nabigong masawata ang illegal gambling sa kanilang nasasakupang lugar.
“The three cops were undergoing pre-charge evaluation,” anang opisyal.
Nabatid na nakatanggap ng ulat ang PRO 12 hinggil sa kapabayaan ng nasabing mga opisyal kaya namayagpag ang illegal gambling sa kanilang hurisdiksyon.
Kasabay nito, muli namang nagbabala ang liderato ng PNP laban sa mga pulis na panatilihin ang disiplina at paigtingin ang operasyon laban sa lahat ng uri ng illegal gambling.