MANILA, Philippines - Ginulantang ng pagsabog ang isinasagawang voters registration sa ARMM matapos na sumabog ang granada na inihagis ng riding-in-tandem na ikinasawi ng batang babae habang sugatan naman ang ina nito sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Col. Prudencio Asto, hepe ng Public Affairs Office ng Army’s 6th Infantry Division ang mag-ina na sina Samsiya Pangilan, 27; Agata Pangilan, 7.
Bandang alas-3:30 ng hapon nang maghagis ng granada ang hindi pa nakilalang lalaki na pinaniniwalaang nais guluhin ang voters registration sa registration center ng Comelec sa Multi Purpose Building sa Barangay Kuloy, Shariff Aguak.
Gayunpaman, sumablay ang granada na bumagsak sa harapan ng tindahan na pag-aari ni Norhata Sampulna na may 10-metro ang layo sa voter’s registration kung saan nadale ang mag-ina.
Kapwa isinugod sa ospital ang mag-ina pero nabigong maisalba ang buhay ng bata.
Kaugnay nito, naghigpit ng seguridad ang militar at pulisya upang mapigilan ang posible pang mga karahasan sa voter’s registration sa ARMM na magtatapos ngayong Miyerkules.