MANILA, Philippines - Apat-katao ang iniulat na nasugatan makaraang maghuramentado ang bagitong pulis na namaril sa loob ng Comelec office sa bayan ng Bayang, Lanao del Sur kamakalawa.
Tinutugis naman ang suspek na si PO1 Jun Balt ng Bayang Municipal Police Station sa Lanao del Sur Provincial Police Office.
Naisugod sa Marawi City Hospital ang mga sugatang sina Osop Datu Imam, Usman Aloyodin, Bimlan Datu Imam, at si Alvin Balt, kapatid ng suspek.
Sinabi ni Col. Daniel Lucero, Commander ng Army’s 103rd Infantry Brigade, abala ang mga kinatawan ng Comelec sa voters registration ng Comelec sa municipal hall nang bigla na lamang magwala ang suspek na walang habas na namaril pasado alas-9 ng umaga.
Samantala, pansamantalang sinuspinde ang isinasagawang paglilinis ng talaan ng mga botante sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Samantala, naghigpit din ng seguridad ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa mga tanggapan ng Comelec sa ARMM kung saan binabantayan ang mga Election officer at Voters Registration Machine (VRMs).