MANILA, Philippines - Walong sundalo na nagbibigay seguridad sa isinasagawang registration of voters sa ARMM ang iniulat na nasugatan matapos na masabugan ng bomba ang convoy ng military truck kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng highway sa Barangay Mangal sa bayan ng Sumisip, Basilan.
Ayon kay Army’s regional spokesman Lt. Col. Randolph Cabangbang, lulan ang tropa ng 12th Scout Ranger Company at 11th Division Reconnaissance Company ng convoy ng 4KM 250 trucks na bumabagtas nang biglang sumabog ang bomba na itinanim ng mga di-kilalang kalalakihan.
Nabatid na ang mga sundalo ay patungo sa isinasagawang registration of voters ng mga tauhan ng Comelec para magbigay seguridad.
Sinimulan ang special registration of voters sa Basilan, Tawi-Tawi, Sulu at Maguindanao noong Hulyo 9 kung saan magtatapos sa Hulyo 18.
Kabilang sa sinisilip na anggulo ay ang matinding hidwaan sa pulitika at gayundin ang posibilidad na kagagawan ng mga bandidong Abu Sayyaf.