P25-M ransom demand ng NPA sa 4 mining executives, kinondena
Manila, Philippines - Tahasang kinondena kahapon ng Philippine Army ang paghingi ng P25-M ransom ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kapalit ng pagpapalaya sa apat na mining executive na kinidnap n sa Rosario, Agusan del Sur noong Huwebes.
Ayon kay Army’s 4th Infantry Division (ID) Spokesman Major Eugenio Julio Osias IV, patunay lamang ito na walang ipinag-iba sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang NPA rebels na sangkot sa kriminal at teroristang aktibidades.
Kabilang sa mga bihag ng NPA rebels ay sina Christopher Ocite, Operations Manager ng VPO Mining Enterprise na pag-aari ng pamilya nito; Gani Altaya , Assistant Operations Manager , Joel Jayuma, Security Chief at isang inhinyero na hindi natukoy ang pagkakakilanlan.
Nabatid na ang nasabing ransom demand ay ipinarating ng mga rebelde kay Agusan del Sur Vice Governor Santiago Cane Jr. at bukod dito ay humihingi pa ng matataas na kalibre ng baril tulad ng machine gun at M16 rifles.
Sa kasalukuyan, ayon kay Osias ay patuloy ang isinasagawang negosasyon ng Crisis Management Committee (CMC) sa pamumuno ni Rosario Mayor Jose Cuyos sa grupo ng mga rebelde para sa ligtas na pagpapalaya sa apat na bihag.
- Latest
- Trending