Pagpapalaya sa Arab reporter, 2 pa nabulilyaso
Manila, Philippines - Nabulilyaso ang nakatakda na sanang pagpapalaya ng mga kidnapper kay Arab television reporter Baker Abdulla Atyani at dalawa nitong Pinoy crew na bihag ng mga armadong grupo sa Sulu.
Ayon kay Sulu Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Antonio Freyra, bagaman noong una ay nagkaroon na ng linaw sa pagpapalaya kina Atyani sa isinasagawang negosasyon ni Sulu Governor Abdusakur Tan sa hindi malamang dahilan ay biglang nagbago ang desisyon ng mga kidnapper.
Bukod kay Atyani, kabilang pa sa mga bihag ay ang dalawang Pinoy crew na sina Rolando Letrero at Ramil Vela.
Una nang itinanggi ng isang nagpakilalang Commander Yasser Igasan sa video na ipinadala sa ABS-CBN Channel 2 na hawak ng kanilang grupo sina Atyani o ng kahit sinong grupo ng mga lider ng Abu Sayyaf sa Sulu sa pagsasabing ibang armadong grupo ang bumihag sa Arab TV reporter.
Magugunita na si Atyani, Bureau Chief ng Al Arabiya television network na nakabase sa Dubai ay nagtungo sa Jolo, Sulu noong nakalipas na Hunyo 11 upang kapanayamin umano ang mga lider ng Abu Sayyaf nang mabigo itong makabalik sa tinutuluyang hostel matapos na may sumundo sa mga ito ng sumunod na araw.
Sa kabila nito, sinabi ni Freyra na inaasahan na nilang hindi na magtatagal ay makakababa na sa kapatagan sina Atyani kaugnay ng isinasagawang pagsusumikap ni Gov. Tan para kumbinsihin ang mga kidnapper na pakawalan na sina Atyani.
- Latest
- Trending