Manila, Philippines - Napaslang ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) habang isa pa ang nasugatan matapos makasagupa ng pinagsanib na elemento ng mga security escort ng isang bokal at ng mga operatiba ng pulisya ang mga bandido sa Patikul, Sulu nitong Biyernes.
Kasabay nito, sinabi ni Sulu Provincial Police Office (PPO) Director P/Supt. Antonio Freyra na nasilat ang planong pagdukot ng mga bandido mula sa grupo ni Abu Sayyaf Commander Tahil Salih sa isang inhinyero na gumagawa ng road/irrigation project sa lugar.
Bandang alas-10:30 ng umaga nang makasagupa ng mga elemento ng pulisya at ng mga security escort ni Sulu District 1 Board member Ismunlatip Suhuri ang grupo ng mga bandido sa Brgy. Kaunayan, Patikul.
Bago ito, ayon sa opisyal ay nakatanggap sila ng intelligence report hinggil sa plano umanong pagdukot ng Abu Sayyaf sa nasabing engineer na hindi tinukoy ang pangalan para na rin sa seguridad nito.
Nang tunguhin ng mga awtoridad ang lugar ay agad silang pinaputukan ng mga armadong Abu Sayyaf na nauwi sa palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Sa kasagsagan ng putukan ay napatay ang isang Abu Sayyaf na patuloy na inaalam pa ang pagkakakilanlan habang isa naman sa mga security escort ng bokal ang nasugatan.
Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa iba pang miyembro ng mga bandido na mabilis na nagsitakas.