MAGPET, North Cotabato, Philippines – Labingdalawa katao na karamihan ay mga bata, ang nalason nang tikman nila ang ulam na pasayan na hinaluan ng zinc phosphide na isang uri ng pampatay ng daga.
Naganap ito sa isang barangay sa bayan ng Magpet noong Biyernes ng umaga.
Ayon kay Magpet Mayor Efren Pinol, nakasilid ang ulam sa isang sako na iniwan sa sasakyan ni Engr. Carol Sorosa, ang municipal engineer ng Magpet.
Mismong si Sorosa raw ang nagluto ng pasayan na hindi naman umano niya ipakakain sa mga tao.
Ito ay ilalagay niya bilang pain sa mga daga na pumipeste sa kanyang mga taniman sa Magpet.
Nagkataon raw na pinag-interesan ng mga bata ang ulam na nasa sasakyan ni Sorosa. Isa sa mga nanay ng mga bata, kumain rin ng ulam na may lason.
Agad nakaramdam ng pagsusuka at pagkahilo ang mga nakakain ng ulam na isinugod sa Cotabato Provincial Hospital para lapatan ng lunas.