Manila, Philippines - Isinailalim na sa preventive suspension ang isang hepe ng pulisya sa Pugo, La Union makaraang ireklamo ng rape ng isang babaeng detainee na may kasong drug pushing.
Sa phone interview, kinilala ni La Union Police Director P/Sr. Supt. Ramon Purugganan ang sinuspindeng hepe na si Sr. Inspector Jessie Quesada na pansamantala namang papalitan ng kaniyang deputy habang hindi pa nakakapili ng hahalili sa opisyal sa puwesto.
Inihayag ng opisyal na ang reklamo ay ipinarating sa kaniya sa pamamagitan ng isang liham nitong nakalipas na mga araw ng abogado ng nasabing babae na itinago sa pangalang Michelle.
Ayon kay Purugganan, bagaman wala pang pruwebang magpapatunay na nakagawa ng kasalanan si Quesada tulad ng alegasyon ng 25-anyos na babaeng detainee ay inalis na niya ito sa puwesto upang hindi maimpluwensyahan ang imbestigasyon.
Sa kasalukuyan, ayon kay Purugganan ay isinailalim na rin sa ‘restrictive custody “ si Quesada habang ang nagrereklamo naman rito ay isinasailalim sa imbestigasyon ng Women and Children’s Protection Desk ng La Union Provincial Police Office (PPO).
Nabatid na ang nagrereklamong detainee ay isang buwan ng nakakulong sa kaso nitong drug pushing na kasalukuyan na ring nililitis sa korte.